Connect with us

Uncategorized

Bangko Filipino ISLOGAN: Subok na Matibay, Subok na Matatag, Pero Sarado Na! Bakit?

Published

on

Nanariwa sa alaala ng mga netizens ang Banco Filipino

Isa ito sa mga premier banking institution sa Pilipinas na nagsimula noong 1964

Nagsimula ang kalbaryo nito noong 1985 dahil sa pagsasara nito dahil sa bankruptcy

Kung pag–uusapan ang kasaysayan ng bangko sa Pilipinas, tiyak na mababanggit at hindi basta–basta malilimutan ang “Banco Filipino” na nakilala sa islogan na “Subok na matibay, subok na matatag!”

Subalit ano na nga ba ang nangyari sa bangkong ito? Bakit sa kasalukuyan, nawala ito sa listahan ng mga bangkong pinagkakatiwalaan ng publiko, tulad ng BPI, BDO, PNB, Metro Bank, Land Bank, at marami pang iba?

Ang Banco Filipino ay itinatag ni Tomas Aquirre noong 1964, na mula sa mayamang angkan na nagmamay–ari ng Agencia de Empeños de Aguirre; isang sikat na sanlaan o pawnshop noon. Ang kita ng nasabing sanlaan ang naging tulay upang maitayo at maitatag ang Banco Filipino.

Agad na sumikat at tinangkilik ng publiko ang Banco Filipino dalawang taon pagkatapos ng pagkakatatag dito; inilagay sa pedestal bilang “premier banking institution” sa Pilipinas.

Noong 1970, sinasabing lahat ng mga Pilipinong naniniwala sa pagbabangko ng kanilang salapi ay may bank account sa Banco Filipino.

Umabot sa halos isang milyon ang bank accounts ng kanilang mga kliyente noong 1972; wala pa man ang isang dekada matapos maitayo ang unang branch. Dumami at lumobo pa ang mga branches nito; maging sa mga lugar na ang mga naninirahan ay nagdadalawang–isip na ilagak sa bangko ang kanilang mga salapi.

Maging ang mga bata at mga maliliit na depositor na may simpleng pinagkakakitaan gaya ng pagtitinda ay nahimok nilang mag–impok sa kanilang bangko sa pamamagitan ng “Happy Savers Club”.

Noong 1981, pumalo sa apat na bilyong piso ang assets nito, na may higit 89 branches sa buong Pilipinas. Subalit ikinagulat ng lahat ang biglaang pagsasara nito noong 1985 sa panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, ayon sa atas ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP, dahil umano sa malaking pagkakautang nito na hindi na kayang bayaran dahil sa mismanagement ng mga executives nito.

Nagalit ang lahat ng mga kliyente nila, lalo na ang mga depositor na naglagak ng malalaking pera sa naturang bangko. Pinayagan naman nila ang mga kilyente na i–withdraw ang kanilang mga pera bago ang tuluyan nilang pagsasara. Muli silang bumalik noong 1994 subalit hindi katulad ng dati, hindi na nila naibalik ang tiwala ng mga kliyente.

Noong 2011, muling ipinasara ang Banco Filipino dahil sa labis na liabilities ng pamunuan. Noong 2019, kinasuhan ang mga dating opisyal ng Banco Filipino dahil sa paratang na “unsafe business practices”. Kabilang sa kanila si dating Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay, na naglingkod sa Banco Filipino bilang director.

Sa ngayon, ang tanging alaalang naiwan ng Banco Filipino ay ang mga bakante nang establishments nito, gayundin ang mga subdivisions na ipinangalan dito gaya ng BF Homes sa Paranaque, Las Pinas, at Caloocan. Isa itong patunay na ang tagumpay ng isang kompanya ay nakasalalay sa mahusay na pamamahala ng pamunuan at tiwala ng mga mamamayan.

Continue Reading
Click to comment

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply

Uncategorized

Pasasalamat ng Isang Ina sa mga Tumulong sa Anak na may DIY Colostomy Bag

Published

on

Nagpasalamat ang ina ni John Paul sa lahat ng nagbigay ng tulong at mga colostomy bags.

Sinabi rin nito na malapit nang maoperahan ang anak kaya’t ipamamahagi nito ang ibang colostomy bags para sa mga nangangailangan.

Si John Paul ay gumagamit ng hose ng washing machine na nakadugtong sa galon ng tubig upang makatipid sa colostomy bags.

Matapos maibahagi ng programang Kapuso Mo Jessica Soho ang kuwento ni John Paul Ordoña, ang lalaking sukbit-sukbit ang galon ng tubig karugtong ng hose ng washing machine, bumuhos ang tulong mula sa mga nagmalasakit sa kanya.

Sa post ng kanyang ina na si Mary Ann Gonzales, nakatanggap sila ng maraming colostomy bags para sa pang-araw-araw na pangangailangan ni John Paul. Dahil dito, nagpaabot siya ng pasasalamat. Ang maganda pang balita, malapit na raw maoperahan ang anak kaya nais niya ring ipamahagi ang ilang bags sa mga nangangailangan.

“Maraming salamat sa lahat ng nagpadala ng colostomy bag para sa anak ko. Sobra-sobra ang natanggap namin kaya gusto din namin sana itong i-share sa mga nangangailangan din.  Malapit na rin kasi maoperahan ang anak ko,” pahayag ni Mary Ann.

Sa nauna niyang post noong Marso 8, nagpasalamat din ang ina sa lahat ng nagdasal sa anak.

2019 nang maoperahan si John Paul dahil sa appendicitis. Nang kumalat ang bacteria sa kanyang tiyan, inilabas ng doktor ang kanyang bituka. Subalit, ilang taon na ang nakalilipas, hindi pa rin ito naibabalik sa loob ng katawan dahil sa kulang sa budget. Aabot umano ng P380,000 ang kinakailangan para rito.

Gumagamit siya ng colostomy bag para maging sisidlan ng inilalabas na dumi mula sa kanyang katawan. Kaya lang, madali itong mapuno at magastos (P1,000-P1,500/araw) dahil nakakailang palit siya araw-araw. Para makatipid, nakaisip ng paraan ang kanyang kapatid. Gumamit sila ng malaking galon ng tubig na nakarugtong sa hose ng washing machine. Ito ay ikinabit sa aktwal na colostomy bag.

Sa ganitong paraan, hindi na kinakailangan ni John Paul magpalit ng bag nang ilang beses sa isang araw. Ang galon ay inilalagay niya sa kanyang backpack at dala-dala ito kahit saan man siya magpunta.

Hinangaan si John Paul ng mga nakapanood ng kuwento niya dahil kahit na may pinagdaraanaan, pilit pa rin siyang tumutulong sa pamilya para sa kanilang ikabubuhay.

Nagbigay ng pinansyal na tulong ang KMJS. Hinandugan din siya ng scholarship grant ng pamahalaan ng San Jose del Monte City sa Bulacan.

Hangad naming maging matagumpay ang iyong operasyon para maging normal nang muli ang iyong buhay. God be with you!

Continue Reading

Uncategorized

Dating Flight Attendant Madiskarte, Hindi Maarte

Published

on

Tunay nga na malaki din ang nagagawa ng isang taong marunong dumiskarte, sabi nga ng marami, sipag, tiyaga at talino samahan ng diskarte ay malayo at malaki ang magagawa at mararating.

Dulot ng pandemiya maraming tao ang nawalan ng trabaho. Karamihan sa kanila ay nagsusumikap na lamang na makahanap ng mapagkikitaan upang mabuhay. Kagaya na lamang ng isang dating flight attendant na nawalan ng trabaho.

Si Leigh Isis Nazaredo na dating flight attendant, isa siya sa mga naapektuhan ng pandemiya. Mula sa Php 50, 000 hanggang Php 70, 000 niyang sinasahod bilang isang flight attendant bawat buwan.

Halos panghinaan ng loob si Leigh ngunit hindi naging hadlang ang pandemiya upang hindi niya masuportahan ang kanyang pamilya. Kaya imbis na manatili lamang siya sa kanilang bahay ay naisipan ni Leigh na magkaroon ng negosyo na kanyang palalaguin upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

Nagdesisyon si Leigh na magbukas ng sarili niyang street food stall upang may pangtustos siya sa kanyang pamilya. Ayon kay Leigh, naisip niya agad ang kanyang pamilya kung paano niya ito masusuportahan ngayong wala na siyang trabaho, na talaga namang napakahirap para sa kanya.

Kaya naisipan niya ang pagbebenta ng mga street foods na isa sa mga pagkaing halos gusto ng karamihan. Dagdag pa niya, hindi niya ikinahihiya ang pagbebenta ng mga street foods kagaya ng mga fishball at kikiam dahil ito ang mga pagkaing gusto nilang magkapatid. Ito ang kanilang naging idea upang magbukas sila ng business.

Kaya naman ito ay pumatok rin, dahil isa ito sa mga pagkaing pinoy na kinagigiliwan ng karamihan. Ipinangalan ni Leigh ang kanyang business sa kanilang inampong pusa na si Moonie, kaya ang pangalan ng kanilang food stall ay “Mini Moonie’s Corner”.

Kagaya ng kanyang pusa na si Moonie na “small and terrible”, na magagawa nilang maghanap ng paraan upang mabuhay kahit sa maliit lamang na paraan.

Si Leigh ay nagbigay ng inspirasyon sa maraming mga tao lalo na sa mga taong nawalan ng trabaho na maging “madiskarte” lamang sa buhay upang mabuhay. Pinatunayan niya na kaya niyang bumangon sa kabila ng naging dagok niya sa buhay para sa kanyang pamilya. Tunay ngang isang inspirasyon ang kanyang kwento.

Continue Reading

Uncategorized

Mula sa Pagka-Janitor, May-ari na Ngayon ng Restaurant sa Australia

Published

on

Ang pagiging masipag at matiyaga ang kadalasang nagiging puhununan ng mga pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa. Tinitiis nila ang kanilang pangungulila sa kanilang mga pamilya upang magkaroon lamang ng magandang kinabukasan ang mga ito.

Narito ang kwento ng isang Pinoy worker sa Australia na may sipag at tiyaga ang pinuhunan upang maabot ang kaniyang pangarap.

Ito ang kwento ni John Andrew Dangca, 25 years old na taga Dasmariñas, Cavite. Sa edad na 19 na taong gulang nagsimula ang pakikipag-sapalaran ni Andrew sa bansang Australia nang kunin siya ng kanilang malapit na kamag-anak upang makapag-trabaho doon.

Hindi naging madali ang buhay ni Andrew sa Australia dahil madalas daw siyang makaramdam ng homesickness. Ngunit sa kaniyang kagustuhan na matulungan ang kaniyang pamilya ito ay kaniyang tiniis. Nagsumikap siyang magtrabaho pati na rin ang pagiging isang janitor ay kaniyang pinasok upang matulungan ang kaniyang pamilya sa Pilipinas.

Ayon kay Andrew, bilang isang janitor naglilinis di-umano siya ng sa mga hotel, shopping malls, opisina at kahit sa mga bahay. Sa kabila ng kaniyang pagsusumikap sa trabaho nagawa pa rin ni Andrew na makapag-aral at matapos ang kursong kaniyang kinuha. Sa pagtitiyaga ni Andrew sa kaniyang pag-aaral habang siya at nagtatrabaho nagbunga ng maganda ang kaniyang pagsusumikap dahil naging isang assistant siya sa isang aged care facility.

Nagkaroon man ng magandang trabaho si Andrew hindi niya pa rin binitiwan ang pagiging isang janitor. Sa kagustuhan na kumita ng malaking halaga upang maipadala sa kaniyang pamilya, naranasan ni Andrew ang palipat-lipat ng trabaho hindi lang iisa ang kaniyang nagiging trabaho sa isang araw.

Kwento pa ni Andrew halos sa mga sasakyan na raw siya nakakatulog sa sobrang pagod nito sa pagtatrabaho at ito na lamang ang kaniyang nagiging pahinga dahil pagkatapos pa nun ay didiresto na siya sa susunod niyang trabaho. Kaya talagang napakahirap na kaniyang naging buhay sa Australia. Kaya lahat ng pagsasakripisyo ni Andrew sa kaniyang pagtatrabaho ay nagbunga ng may mas magandang resulta, dahil unti-unti niyang nakuha ang kaniyang pamilya at nanirahan na rin sa Australia.

At hindi lang iyon ang naging bunga ng kaniyang pagsisipag at pagtitiyaga dahil si Andrew ay nagkaroon lang naman ng sarili niyang negosyo na restaurant ito ang kaniyang “Salu-Salo” restaurant na matatagpuan sa Canberra, Australia. Ang kaniyang negosyo ay nagsimula ng kumita noong nakalipas lamang na taon. Naging sulit ang puhunan ni Andrew na sipag at tiyaga dahil naabot niya ang kaniyang mga pangarap para sa kaniyang sarili at higit sa lahat ay para sa kaniyang pamilya.

Tunay ngang walang impossible sa taong may sipag at tiyaga na maabot ang kaniyang mga pangarap sa buhay. Nawa’y ang kwento ni Andrew ay maging isang inpirasyon sa bawat tao, lalo pa’t hindi ganoon kadali ang magtrabaho sa ibang bansa.

Pahalagahan nawa ng bawat kabataan ang mga pagsasakripisyo ng kanilang mga kapamilya na nagtatrabaho sa ibang bansa upang magkaroon lamang sila ng magandang kinabukasan.

Continue Reading

Trending